4.25.2012

Hanjin ba kamo? Ano ang isyu?


HANJIN workers, narinig mo na ba ang isyu nila? Malamang hindi pa, pero sigurado ako yung iba sainyong nagbabasa nito e napansin na yung pangalan ng Hanjin na nakasulat sa mga malalaking truck lalo na kapag gabi. Tama ka, ang Hanjin ay isang korporasyon na pagma-mayari ng mga Koreano. Ang Hanjin ay tinatagang pang apat sa pinaka malaki at pinaka advance na art shipbuilding facility sa buong mundo na matatagpuan sa Subic Zambales. 

Sa dinami- dami ng lugar, sa Pilipinas pa. E syempre madaling mauto ang mga Pilipino e, sabi nila at mababa ang pasahod sa mga manggagawa. Ano namang meron? Anong isyu? Okay nga yun e, kasi nakakatulong sa pag unlad ng ekonomiya natin yung Hanjin Shipyard. Anong problema? Alam mo ba na halos lahat ng manggagawang Pilipinong namamasukan sa loob ng kumpanyang ito ay  nanggaling pa sa malalayong lugar? Meron sa Visayas, meron galing sa ibang parte ng Mindanao, Hilaga at Timog. Kaya ibig sabihin nun marami talaga ang manggagawang namamasukan dito. Iniwan ang pagsasaka at pangingisda dahil para sa kanila ang kitang makukuha nila sa Hanjin ay mas okay na kaysa manatili sila sa ginagawa nila na seasonal lang. 

Ang mga manggagawa ay sumasailalim sa 6 months na training bago sila maging regular. Okay na sana kaso ang masaklap doon, ibinabawas ng mga Koreanong namamahala sa Hanjin yung bayad nila sa pagkain at paggamit ng mga silid. Napakabait naman talaga noh,pero hindi lang yun. Pag naging regular sila, binibigyan sila ng uniporme, pero sa uri ng trabaho sa loob, hindi uubra ang isa o dalawang uniporme lang, kaso binibigyan lang sila ng bagong uniporme isang beses sa isang taon. Kahit punit- punit na ang kanilang mga damit at sobrang dumi na, wala pa rin pakialam ang mga Koreanong nasa likod ng Hanjin Shipyard.

Napakasipag ng mga Pilipino, biruin mo sa 3 buwan 5 barko ang napapaalis nila. Ganung kabilis at ganun kasipag ang mga manggagawang Pilipino. Kaya siguro ayaw din silang pakawalan ng mga Koreano. Pero pag may mga aksidenteng nangyayari, bagya ng maipadala sa ospital ang mga biktima, parang walang pakeelam ang mga Koreanong ito na nasa likod ng Hanjin Management. At mas malala,  pag may nasawi dahil sa aksidente, minsan hindi pa sinasagot ng Hanjin Management ang bayad sa punerarya. Saan naman kukuha ng pambayad sa ospital at sa pamburol ang pamilya ng mga nasawi, e mahirap na nga sila.

Nakakaranas rin ang mga manggagawa ng pangaabuso o harassment sa loob ng Hanjin. Paano? Binabatuk-batukan sila, tinatadyakan, dinuduraan, sinusuntok at sa huli sasabihin “joke only”. Pero dahil sa kailangang magtimpi ng mga manggagawa, hindi na nila ginagantihan bagkus ay pinapabayaan na lang nila ang mga ito kaysa matanggal sila sa trabaho. Nakakaawa talaga ng mga manggagawang Pilipino sa loob ng korporasyon pero walang magawa ang gobyerno, bakit kamo? E kasi mas mahalaga ang ekonomiya ng bansa kaysa sa kapakanan ng mga Pilipino sa loob. Sabi ni Ka Renante, isang lider ng SAMAHAN at dating manggagawa sa loob, maraming bese na rin na nagpunta si dating pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa loob ng Hanjin, pero ang sabi lang niya, magpasalamat pa ang mga manggagawa dahil binibigyan sila ng trabaho. 

Kaya naman nabuo ang Friends of Hanjin Workers dahil rin sa pagnanais na mabigyan ng katarungan at maproteksyunan ang mga manggagawang Pilipino sa loob ng Hanjin Shipyard sa Subic Zambales. Napakarami pang isyu ang hindi ko nabanggit sa taas. Sana naman ay mabigyan na ng solusyon ang mga isyung ito ng mga manggagawa sa pamamagitan ng pagbukas ng mga mata ng mga iba pang Pilipino tungkol sa isyu, gumawa ng mga aksyon na pumpoprotesta sa mga maling gawain at pangaabusong ginagawa ng Hanjin management sa mga manggagawang Pilipino, mag hikayat ng mga taong pwedeng tumulong upang maipadala ang kasong ito sa korte suprema upang mabigyan ng hustisya at makapagtrabaho ng ligtas ang mga Pilipino at huli maging parte ng Friends of Hanjin Workers upang mapalakas ang suporta sa mga manggawang Pilipino sa loob ng Hanjin Shipyard.

No comments:

Post a Comment