Bakit nga ba nahiligan kong magsulat? Bakit hindi na lang ako sumali sa mga Singing Contest sa TV para madali akong sumikat at yumaman? Maraming nagsasabi na may ibubuga naman daw ako at pwedeng- pwede sumikat katulad nina Regine Velasquez at Sarah Geronimo. Pag nakakarinig ako ng mga ganitong komento, napapangiti na lang ako. Noong bata ako, pinangarap ko din maging artista at syempre maging sikat. Nakakatawang isipin pero halos lahat naman ata ng bata lalo na kung namulat ang mga mata nito sa telebisyon, iisipin din niyang mag-artista dahil masarap sa pakiramdam ang maging sikat.
Habang lumalaki ang tao, unti- unti nating nadidiskubre ang mga kakayahan natin na hindi natin nakikita noong tayo ay mga bata pa. Babalik tayo sa una kong katanungan. Bakit nga ba pagsusulat ang nahiligan ko? Noong ako ay nasa elementarya, mahilig na akong bumili ng mga “cute” na notebook, stationery, diary, autograph notebook, basta kahit anong pwedeng sulatan. Pag nabili ko na, sinasayang ko lang, sinisira, ginuguhutan ng kung anu- ano. Ito naman talaga ang madalas gawin ng mga bata , ang manira. Papaano ba naman, e wala pa akong alam noon.
Noong ako ay nag high school, nawala na sa akin ang kahiligan kong gumuhit ng kung anu-ano sa mga notebook na binibili ko. Nakatambak lang sa cabinet ko at hindi na rin ako nagsusulat. Nawala na ang Joanna na mahilig isulat ang kanyang mga nararamdaman sa papel, hanggang sa ako’y tumungtong na ng college. Ang aking kursong mass communication ang muling nagturo sa akin na hindi mo dapat gini-give up ang mga bagay na gusto mong gawin. Sa pamamagitan din ng kurso ko, nakita ko ang pangangailangan ng mundo at ng mga tao. Hindi lang pala pagkanta at pagsayaw ang talents ko.
Mas nakita at nahanap ko ang sarili ko. Binigyan ako ng karunungan ng Diyos para malaman ko na kapag sumunod ako sa kanya, magtatagumpay ako. Hindi ako nabigo dahil ngayon, alam ko na kung ano talaga ang gusto ko. Katulad ng isang mongol, sumusunod sa taong may hawak sakanya. Kung ano ang iniisip at gustong isulat ng may hawak ng mongol, susunod lamang ang lapis na ito. Ako ay ganoon din. Sumusunod lamang sa kung sino ang may hawak ng buhay ko. .. ang Diyos. Siya kasi ang awtor ng buhay ko kaya tiwala ako na hindi niya ako pababayaan.
No comments:
Post a Comment